Sa Isang Salita: 'Yabang' ni Msgr. Noel
02 March 2021
 
Sa isang sinulat ni F. Sionil José, tinukoy niya ang isa sa di magandang aspeto ng ating kultura: "We are great show-offs.... yabang  that is what we are, and all that money expended on status symbols, on yabang... How much better if it were channeled into production."

Masakit pero totoo ang kanyang ipinahayag. Ang kayabangan ay nag-uugat sa pagtanggi sa katotohanan. Dahil ayaw nating tanggapin ang totoo sa ating sarili, nagtatago tayo sa likod ng mga pagkukunwari. Sabi nga ng ilan, "matalo na sa yaman, huwag lang sa yabang." Dito nagsisimula ang maling pagpapahalaga. Ang mga pera at yaman na sana'y magamit sa mga bagay na kapaki-pakinabang ay nalulustay lamang sa luho at mga mamahaling alak, alahas at gadgets na nagsisilbing 'status symbol' sa lipunang ginagalawan.

Ang kayabangan ay sinusundan ng pagbagsak at kapahamakan. Tinanggihan ni Adan ang kanyang estado bilang 'nilikha' at 'alikabok' at hinangad na makapantay ng sa kanya ay Lumikha.

Paalaala ng ebanghelyo: "Ang pinakadakila sa inyo ay dapat maging lingkod ninyo. Ang nagpakakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.

Binabago ng kababaang-loob ang ating pananaw sa kapwa at sa kalikasan. Sila ay hindi 'bagay' na dapat 'gamitin' at abusuhin. Kikilanlin natin ang bigkis na nag-uugnay sa sangnilikha.

Ang panahon ng Kuwaresma ay pagkakataon upang iwaksi ang pagmamataas at labis na pagpapahalaga sa sarili.

"Approaching the Earth and our fellow humans with an attitude of gratitude, not entitlement, is the key to living peaceably and sustainably."

*Martes sa Ikalawang Linggo ng Kuwaresma

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN