Sa Isang Salita: 'Selfie' ni Msgr. Noel
04 March 2021
 
Dalawang uri ng kamatayan ang inilalarawan sa istorya ng Mayaman at ng pulubing si Lazaro. Samantalang namamatay si Lazaro sa gutom, "namamatay" din ang Mayaman sa kasakiman. Mas malagim na trahedya ang mamatay sa pagkamakasarili. Sabi nga, "Death is not the greatest loss in life. The greatest loss is what dies within us while we live."

Minsan, dahil sa labis nating pagpapahalaga sa seremonyas at panlabas na bagay ng relihiyon, nalilimutan natin ang mas mahalagang isyu ng buhay at kamatayan na kinakaharap ng mga Lazaro sa ating gitna.

Subalit ang Diyos ay hindi 'nakatali' sa isang lugar o pook. Siya ay nasa sa gitna ng sambayanang nakikihamok para sa kaganapan ng buhay. Ani John Henri Newman: "I climbed the topmost steeple to hear God's voice, but God declared: Go down again - I dwell among the people." Ang presensya ng Diyos sa Simbahang gusali ay kasing totoo ng kanyang pananatili sa gitna ng mga tao.

Ang mundo ang pook kung saan nagtutunggali ang pwersa ng dilim at liwanag. Naroon ang Diyos sa pakikibaka ng tao para katwiran at katarungan.

Ang mga isyung kinakaharap ng ating lipunan, tulad ng kahirapan at pagkasira ng kalikasan, ay lumalampas sa hangganan ng mga Simbahan na hindi malulutas kung mananatili tayo sa makitid na pananaw at oryentasyon. Ito ang isa sa ugat ng suliranin ng simbahan, na tinawag ni Papa Francisco na 'ecclesiastical narcisissm.'

Tulad ito ng SELFIE culture sa social media. Laging nakatutok ang pansin sa sarili. Ganito rin tayo kapag ang ating pananaw ay nakatuon lang sarili at hindi lumalampas sa tradisyonal na hangganan nito.

Nang lagyan ng abo ang ating mga ulo, ipinaalaala nito na ang lahat ng bagay ay may katapusan. Subalit anumang kabutihang nagawa natin para sa kapwa at sa lipunan ay mananatili kaylanman.

"What we do for ourselves dies with us, but what we do for others goes beyond us and is immortal."

*Huwebes sa Ikalawang Linggo ng Kuwaresma

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN