Sa Isang Salita: 'Ordinaryo' ni Msgr. Noel
19 July 2021
 
Likas sa tao ang hanapin ang Diyos sa mga kagila-gilalas at kahanga-hanga. Dinarayo ng marami ang umano'y mga lugar ng milagro. Di natin pinapansin ang mga bagay na karaniwan.

Iskandalo (o 'katitisurang bato') ang turing ng mundo sa Diyos-na-naging-tao. Hindi ito katanggap-tanggap sa katwiran. Taliwas sa lohiko ng mundo.

Sa ebanghelyo, hinahanapan ng mga Judio ng tanda si Hesus. Anong maipakikita niyang patunay na siya ang Mesias? May dapat bang asahan sa karaniwan? Dahil sa kawalan ng pananalig, nalampasan sila ng grasya na makita ang presensya ng Diyos sa kanilang gitna.

Sa pagkakatawang tao ni Hesus, nahayag ang Diyos sa anyo at paraang ordinaryo. Patuloy Siyang nagkukubli sa likod ng mga karaniwang pangyayari.

Totoong may himala. Nagaganap ito araw-araw. Sa mata ng nananalig, buháy at aktibong gumagalaw ang Diyos sa ating buhay.


*Lunes sa Ikalabing-anim na Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN