Tungkulin ng parokya, tuon ng pagdiriwang ng Piyestang Parangal kay San Juan Pablo II
30 September 2021
 
"Ang ating goal ay makapiling ang Diyos, hindi bilang indibidwal kundi bilang sambayanan."
Ito ang naging laman ng homiliya ni Lubhang Kgg. Mel Rey M. Uy, D.D., Obispo ng Lucena para sa pagdiriwang ng ika-6 na Piyestang Parangal kay San Juan Pablo II sa Brgy. Bungoy Dolores, Quezon noong Oktubre 22, 2020.

Ipinaalala ng obispo sa harap ng mahigit 100 mananampalataya, 20 pari, at isang diyakono na mahalaga na ang bawat isa ay magsabuhay ng tungkulin ng pagiging pastol upang matamo ang layunin ng pagpapanatili ng pagkakaisa at paglilingkod sa parokya.

Hinikayat rin niya na hangarin lagi sa tuwina na matularan at masundan ang halimbawa ng santo patron na tunay na nagsabuhay ng pagiging mabuting pastol sa pamamagitan ng paglalapit ng maraming tao pabalik sa Diyos.

"Sa pagdiriwang natin ng kapiyestahan ng ating patron, si John Paul II ay ating hinggin na nawa ay palakasin pa niya lalo ang ating pagiging isang pamilya, isang parokya. At bigyan niya tayo ng sigasig para hanapin pa iyong mga kapatid natin na medyo nanlalamig, o talagang nahiwalay na, para matupad natin ang pangarap ng ating Ama, 'lahat tayo ay maging isa'," wika ng obispo.

Dagdag pa niya, maisasakatuparan din ang pagtupad ng tungkulin ng pagiging mabuting pastol kahit na sa simpleng pamamaraan gaya ng paggamit ng social media. Pabiro rin niyang sinabi na maituturing na ang Parokya ni San Juan Pablo II bilang "cyber-parish" ng diocesis dahil sa paggamit nito ng iba't ibang platforms bilang tugon sa hamon ng pandemya.

Tinanggap naman ni Reb. P. Robin P. Cruz, lingkod-pari ang hamon na iniwan ng obispo sa bawat isa. Ipinahayon din niya ang kanyang pasasalamat sa lahat ng nakiisa sa kapiyestahan mapapisikal o online man na paraan.

Pauna rito ay isinagawa rin ang misa nobenaryo sa karangalan ng santo patron na simulan noong Oktubre 13 na nagtapos sa pamamagitan ng mobile procession na lumibot sa apat na barangay na nasasakupan ng parokya noong Oktubre 21.



 
   
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN