Sa Isang Salita: 'Salita' ni Msgr. Noel
23 January 2022
 
May kasabihan sa wikang Filipino, “Ang isda ay nahuhuli sa dila." Ang ibig ipakahulugan nito: ang salita ay ‘extension’ ng ating pagkatao. Kung ano ang lagi nating sinasambit ay salamin ng ating ugali at karakter.

Sa Biblia, ang salita ay nagbibigay-kahulugan sa bagay. Dahil sa salita, nabibigyan natin ng katuturan ang mga nagaganap sa ating paligid. Mahirap intindihin ang sine kapag nawalan ng ‘sound’. Hindi natin mauunawaan ng lubos ang istorya nito kung walang salita.

Kung ang salita ng tao ay nagbibigay ng kahulugan, gaano pa kaya ang Salita ng Diyos. Ayon sa Vatican II (GS): "The Word of Christ sheds light on the mysteries that torment men." Dahil sa Salita ng Diyos, nagagawa nating basahin ang lahat ng nagaganap sa ating buhay sa liwanag ng pananampalataya. Kaya nating makita ang pagkilos ng Diyos sa likod ng mga pangyayari sa ating buhay. ‘What man calls adversity, God calls opportunity.’ Ito ang dahilan kung bakit sinabi sa Awit 119: 105, “Your word, O Lord, is a lamp to my feet and a light to my path.”

Ganito ang karanasan ng mga tao nang magsimulang mangaral si Hesus sa Galilea: "nakatanaw ng Liwanag ang bayan matagal nang nag-apuhap sa dilim." Ang Zabulon at Neptali ay lugar ng mga pagano. Sumasagisag ito sa mundong balot sa karimlan. Dito nagsimulang mangaral si Hesus, at sa isang simbolikong paraan, napawi ang karimlan sa pagpapahayag ni Hesus ng kanyang Salita.

Ang salita ng tao ay malaki ang impluensiya sa paghuhubog ng karakter ng tao. Ang salita ay nagpapabago sa tao. Ito ang dahilan kung bakit ang mag-aaral (o disipulo, na ang ibig sabihin ay ‘one who listens’) ay may pangunahing gawain na makinig at mag-aral ng ‘salita’ o aral ng kanyang maestro.

Tayong mga nakikinig ay tinatawag na gawing konkreto ang Salita ng Diyos sa ating buhay (=emBODY the Word). "Viva lectio est vita bonorum." (The life of the good is a living lesson.)

Ayon kay John Kavanaugh, isang spiritual writer,:“As long as we breathe, there is more of our lives to open, to unlock. There is always more of us that we might let God enter. There is no end to the ways that the Word of God can fully take on our flesh.”


*Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
(Linggo ng Salita ng Diyos)

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN