Sa Isang Salita: 'Ad Gentes' ni Msgr. Noel
25 January 2022
 
Sa dinami-dami ng istorya ng pagbabagong-buhay, tanging ang kay San Pablo lang ang maringal na ipinagdiriwang ng Simbahan. Bakit? Sapagkat kung hindi si Pablo nagpanibago kay Kristo sa daan tungo sa Damasco, ang relihiyong Kristiyanismo ay nanatili na lang isang maliit na sekta sa loob ng Judaismo.

Si San Pablo ang nagpasimula ng isang bagong yugto sa kasaysayan ng Simbahan. Ipinangaral niya ang ebanghelyo sa mga hentil. Sa kanya nagsimula ang misyon 'ad gentes' (sa mga bansa). Ipinahayag niya ng ebanghelyo sa paraang hagip ng pang-unawa ng mga pagano. Dahil sa kanya, ang simbahan ay hindi nanatili sa Jerusalem. Ito ay lumaganap at naging tunay na 'katoliko' (o pangkalahatan).

Ang 2021-22 ay itinakda ng Simbahan sa Pilipinas bilang Taon ng Misyon ad gentes. Sa temang "Gifted to give," ipinapabatid na tayo ay tumanggap na ng abot-abot na pagpapala bilang isang bansa sa loob ng nagdaang 500 taon. Ngayon ang panahon para magbahagi. Tinatawag tayong iwan ang datihang gawi at alwan ng kinamisnang paraan ng pamumuhay at tahakin ang daan ng misyon.

"Outreach is a clear sign of the maturity of a Christian community" (Pope Benedict XVI).

*Enero 25, Kapistahan ng Pagbabagong-buhay ni San Pablo

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN