Sa Isang Salita: 'Bahay' ni Msgr. Noel
13 May 2022
 
Iba talaga ang pakiramdam kapag nasa sariling bahay; masaya, payapa at panatag ang kalooban. Nagagawa natin ang ating gusto nang may laya. Sabi nga, "home is where your heart is." Mahirap mapalayo sa bahay. Nakaka-home sick. Ramdam ito ng mga nangingibang bayan. Laging sa pauwi ang takbo ng kanilang mga paa.

Ang ating pananabik na makauwi sa bahay ay tanda ng mas malalim na pananabik ng ating kaluluwa na makauwi sa ating tunay na tahanan - sa Diyos.

Sa huling biyahe ng ating buhay, tiyak na tayo ay may uuwian. Si Hesus ang nagbigay sa atin ng katiyakan. Bakit? Sapagkat sa kanyang pag-akyat sa langit, taglay niya ang ating abang pagkatao.

Ani Hesus sa ebanghelyo: "Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid... at naipaghanda ko na kayo ng matitirhan."

Sabi nga ng linya sa isang sine, "What we were born into is not always who we are." Nakatadhana tayo sa kadakilaan. Ang lupa ay pansamantalang tirahan. Langit ang ating walang hanggang tahanan.

*Biyernes sa Ikaapat na Linggo ng Pagkabuhay

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN