Sa Isang Salita: 'Sukatan' ni Msgr. Noel
18 May 2022
 
Malimit nating sinusukat ang tagumpay ng isang tao sa dami ng kanyang nagawa at narating. 'Big time' ang turing ng daigdig sa mga taong nakaaangat sa buhay.

Iba ang pamantayan ng Diyos. Katapatan at hindi tagumpay ang ating panawagan, ayon kay Santa Teresa ng Calcutta. Anumang dami ng ating marating sa buhay, kung hindi naman tayo tapat sa Diyos at kapwa, walang halaga ang lahat. Anong katuturan ng buhay, kamtan man natin ang lupa, kung langit naman ay mawawala?

Sa ebanghelyo, winika ni Hesus, "manatili kayo sa akin at mananatili ako sa inyo. Ang sangang hiwalay sa puno ay matutuyo at mamamatay." Sa katapatan, may katiyakan tayong ang ating buhay ay magiging mabunga.

Tulad ng ipinamalas ng mga Banal, ang pananatiling nakakapit kay Hesus ang tunay na sukatan ng tagumpay.

*Miyerkules sa Ikalimang Linggo ng Pagkabuhay

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN