Sa Isang Salita: 'Luho' ni Msgr. Noel
25 September 2022
 
Mahirap ang mabuhay sa luho. Nasasanay sa kaalwanan ng buhay. Nawawalan ng gana sa pagtulong sa kapwa. Nabubulag sa paghihirap na nagaganap sa paligid. Sarili ang nagiging sentro ng buhay.

Ito ang kinahinatnan ng Mayaman (Dives) sa talinghaga sa ebanghelyo. Dahil sa labis pagpapasasa sa pagkain at kaligayahan ng mundo, naging manhid ang kanyang puso. Hindi niya 'nakita' ang pulubing si Lazaro na nakahandusay sa kanyang bunsuran. Habang namamatay si Lazaro sa gutom, 'namamatay' rin ang Mayaman sa kasakiman.

Ang labis na paggasta ng yaman, kahit na ito ay ating pag-aari, ay isang insulto sa dangal ng mahihirap na nasa ating paligid. Ang salapi at anumang pag-aaring mayroon tayo ay dapat gamitin nang may panlipunang pananagutan. Wika ng isang Santo: kapag ikaw ay may dalawang damit na pangginaw at may kapitbahay kang namamatay sa lamig, ang isa rito ay hindi mo na pag-aari kundi karapatan na ng nangangailangan.

Hindi sapat ang dahilang "wala naman akong ginagawang masama sa kapwa," para makapasok tayo sa langit, kung "wala naman tayong ginagawang mabuti."

Ang pagtanggi sa sariling luho ay isang mabisang paraan upang basagin ang ating pusong pinatigas ng pagsasawalang kibo at kakapusan ng malasakit.

Sabi ni Papa Francisco: Live an 'essential' lifestyle. Ang ating kalabisan sa pansariling kagustuhan ay kakulangan naman sa pangunahing pangangailangan ng mga dukha.

*Ikadalawampu't anim na Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN