Sa Isang Salita: 'Short-cut' ni Msgr. Noel
27 September 2022
 
Hindi dahas ang tamang daan tungo sa tunay na pagbabago. Sinisira ng karahasan hindi lang ang biktima kundi ang taong gumagawa nito. Habang nagdurusa ang biktima, bumababa naman ang pagkatao ng taong marahas.

Saksi ang kasaysayan sa kabiguan ng mga hari at diktador na gumamit ng karahasan para isulong ang kanilang adyenda. Madali nga namang manakot ng tao para sumunod. Subalit isa itong maling short-cut para makamit ang isang hangarin, gaano man ito kadakila. Walang nananalo sa paggamit ng dahas. Poot, at hindi pag-ibig ang naghahari.

Hindi karahasan ang paraan ni Hesus. Nang magbanta sina Santiago at Juan na pugnawin ng apoy ang mga Samaritanong ayaw tumanggap sa kanila, pinagsabihan sila ni Hesus. “Hindi ninyo alam kung anong uri ng espiritu ang sumasainyo."

Kapayapaan at pagmamahal ang daan ni Hesus. Sa halip na magparusa, napailalim siya sa karahasan ng krus upang bigyan tayo ng bagong buhay at dangal.

*Martes sa Ikadalawampu't Anim na Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN