|
|
|
Sa Isang Salita: 'Rubicon' ni Msgr. Noel |
28 September 2022 |
|
|
Nang tumawid ni Julius Caesar, kasama ng kanyang hukbo, sa ilog Rubicon tungo sa sinaunang lungsod ng Roma, nagsimula ang isang bagong kabanata sa kasaysayan. Ito ang naging hudyat ng paglitaw ng Imperyo Romano mula sa madugong digmaang sibil.
Sa makasaysayang pangyayaring ito hinango ang ekspresyon sa wikang Ingles na "crossing the Rubicon." Tumutukoy ito sa paggawa ng isang mahalaga at pinal na desisyon. Wala nang urungan. Ito ay pagtahak sa isang landas na di na mababago.
“Ang sinumang nag-aararo at palaging lumilingon ay hindi karapat-dapat sa paghahari ng Diyos.” Ito ang babala ni Hesus sa mga nagnanais sumunod sa kanya. Ang pagiging Kristiyano ay isang "pagtawid sa Rubicon." Ito ay isang pasyang panghabang-buhay. Wala nang bawian. Sa pagsunod kay Hesus, walang puwang ang pag-aalinlangan at pagkasalawahan.
Dapat ay laging nakatuon ang pansin kay Hesus ng mga sumusunod sa kanya. Walang anumang bagay, yaman o kapangyarihan ang maaaring umagaw sa pusong itinalaga na sa Diyos. Sa salita ng isang banal, "Si Hesus lamang. Si Hesus lagi."
*Miyerkules sa Ikadalawampu't Anim na Linggo sa Karaniwang Panahon |
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|
|