Sa Isang Salita: 'Rehab' ni Msgr. Noel
30 January 2023
 
Bawat tao ay mahalaga sa Diyos. Walang buhay na 'patapon' sa kanyang paningin. Kahit na ang mga taong itinuturing na basura ng lipunan ay may lugar sa kanyang puso.

Ipinakita ito ni Hesus sa taong inaalihan ng demonyo. Naninirahan sa libingan, itinakwil na siya ng lipunan. Nawalan na ito ng pag-asa para sa kanya. Pero hindi kay Hesus: pinalayas Niya ang "Lehiyon" na umaalipin at nagpapahirap sa kanya. Binigyan siya ni Hesus ng isang panibagong pasimula.

Subalit tila hindi tanggap ng kanyang mga kababayan ang nangyari. Hindi sila handa sa pagbabalik ng taong matagal na sinapian ng diablo. Hindi sila handa kay Hesus. Di nila kaya ang kanyang mga pagpapahalaga.

Sa isang Kristiyanong lipunan, may lugar para sa pagpanibago ang mga nagkamali. Madaling turuan ang puso sa loob ng komunidad ng mga nananalig.

Ang uri ng budhi ng isang lipunan ay nabubunyag kung paano nito pinahahalagahan ang mga nasa laylayan.

*Lunes sa Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN