Sa Isang Salita: 'Pangarap' ni Msgr. Noel
20 March 2023
 
Huwag kayong mawawalan ng kakayahang mangarap, sabi ni Papa Francisco sa kanyang homiliya nang dumalaw siya sa ating bansa noong 2015. Sa pagtitipon ng mga pamilya sa MOA Arena, ibinahagi ng Santo Papa na mayroon siyang imahen ng “natutulog na San Jose” sa kanyang mesa. Sa kanyang pagkaidlip, aniya, binabantayan at kinakalinga ni Jose ang Simbahan.

Ipinahayag ng Anghel kay San Jose ang balita ng kaligtasan sa pamamagitan ng panaginip. Nangyayari ang plano ng Diyos na lingid sa paningin ng mundo. Maraming bagay na dakila ang nagaganap sa pagkaidlip - sa katahimikan at ‘pagpapahinga.’ Sa pag-iisa nagaganap ang sandali ng grasya.

Marami tayong pangarap para sa sarili at sa ating pamilya. Subalit mas malawak ang pangarap ng Diyos. Sa kanya, may kaganapan ang lahat. May mga plano ang tao na hindi natutupad. Batid ni Jose na sa "loob ng pangarap ng Diyos," ang ating mga pagpupunyagi ay magbubunga sa kanyang takdang oras.

Mahirap ang tao na walang pangarap. “Without vision, the people perish.” Ang pangarap ay ang larawan sa ating isip ng nais nating mangyari sa hinaharap. Walang tatanawing bukas ang taong walang pangarap.

Kaya, sinabi sa ebanghelyo, nang magising si Jose, “tinupad niya ang sinabi sa kanya ng anghel.” Kinikilala siya ng Simbahan sa titulong "Custos redemptoris" o Guardian of the Redeemer.

Tayo ay mga katiwala ng Diyos ng mga banal na gawain at misyon sa Simbahan. Let us dream with God. Let us dream big for the Church.

*Marso 20, 2023, Kapistahan ni San Jose

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN