Sa Isang Salita: 'Pagdamay' ni Msgr. Noel
31 May 2023
 
“Our modern world has a particular form of folly. We have microscopes to see things very small and telescopes to see distant objects, but often we do not see what is closest to us.”

Hindi totoong kulang ang yaman at panahon para tumulong. Ang kulang ay ang loob na dumamay. Sa ebanghelyo, isinalaysay ang pagdalaw ni Maria sa kanyang pinsang si Elizabeth. Hindi naging hadlang ang hirap ng paglalakbay sa kaburulan ng Judea, ni ang kalalagayan ni Maria na noon ay nagdadalang-tao, para dalawin ang kanyang pinsan.

Anang mga dalubhasa sa kasulatan, ang istoryang ito ng Pagdalaw ay huwaran ng buhay at gawain ng Simbahan at ng bawat Kristiyano. Ang pagkilos ni Maria ay tulad ng ginawang pagliligtas ng Diyos, na tumungo sa lugar ng ating abang katatayuan upang makiramay.

1. Paglisan sa tahanan. Iniwan ni Maria ang kanyang tahanan upang tahakin ang daan tungo sa paglilingkod. Tinatawag din tayong lisanin ang lugar ng kaalwanan at pribilehiyo upang makiisang buhay sa sitwasyon ng paghihirap ng iba.

2. Agarang pagkilos. Nagdudumali at walang inaksayang panahon si Maria. Hindi maaaring mabalam ang paggawa ng kabutihan. Ganito rin ang pagpapahayag ng ebanghelyo. Walang ibang panahon para magsimula kundi ngayon.

3. Kagalakan. Sabi ni Papa Francisco: “Joy is a pilgrim virtue. It is a gift that walks, walks on the path of life.” Kagalakan ang dapat dalhin ng isang Kristiyano sa kanyang puso. “Naggagalaw ang sanggol sa sinapupunan ni Elizabeth.” Ang kagalakang hatid ni Maria ay tumatagos sa puso.

4. Misyon. Mission means “moving beyond traditional frontiers and reaching out to the un-churched.” Tulad ni Maria, tungkulin nating dalhin si Hesus - at maging presensya ni Hesus - sa lipunang nakakalimot sa Diyos.

Naging mabuting katiwala ng Salita ang Mahal na Birhen. Hindi lamang niya iningatan ang Salita ng Diyos sa kanyang puso. Pinatotohanan niya ito sa kanyang pagdalaw at pagkikiisang buhay sa kanyang pinsang nangangailangan ng pagdamay.

*Mayo 31, Kapistahan ng Pagdalaw ng Mahal na Birhen kay Elisabet

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN