Sa Isang Salita: 'Napapanahon' ni Msgr. Noel
02 June 2023
 
Kalimitan ang mga 'fruit-bearing tree' ay may nakatakdang panahon ng pamumunga. Pero sa ebanghelyo, hinanapan ni Hesus ng bunga ang puno ng igos kahit wala sa panahon.

Ito'y isang propetikong pahiwatig. Ang puno ng igos ay sagisag ng Bayang Pinili. Sa matagal na panahon, pinagkalooban sila ng Diyos ng napakaraming pagpapala. Subalit tila nasayang lang ang lahat sapagkat hindi sila nakapagbigay ng saganang bunga.

Ang uri ng kanilang pagsamba sa Templo ay naging paimbabaw at panlabas na lamang. Nawalan ito ng kahulugan at ng tunay na diwang maka-Diyos. Nakaligtaan nila ang esensyal ng relihiyon tulad ng katarungan at pagmamahal sa nangangailangan.

Ito ang lumang kaayusan na simbolikong winakasan ni Hesus nang isumpa niya ang puno ng igos at 'linisin' ang templo ng mga mangangalakal. Nais ni Hesus pasimulan ang isang "bagong normal" ng wagas na kaugnayan sa Diyos. Ang kabanalan ay dapat masalamin sa pamumuhay at hindi sa mga seremonyas lamang.

Ang tapat at tunay na pananampalataya ay handang magbigay ng saganang bunga napapanahon man o hindi.

*Biyernes sa Ikawalong Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN