Sa Isang Salita: 'Tayo' ni Msgr. Noel
04 June 2023
 
Kailan nga ba nagiging "tayo" ang "ikaw" at "ako"? Kailan ang dalawang puso nagiging isa? Paano nagiging magkasama ang dating makaiba? Ang sagot: sa pag-ibig. Love unites because it overcomes differences.

Nang magpahayag ang Diyos sa tao, nagpakilala siya bilang pag- ibig (Jn. 3: 16). Ang Diyos ay isang komunidad ng pag-ibig: magkakaiba (sa persona) pero magkaisa (sa natura). Ito ang misteryo ng Banal na Sangtatlo. Ang Santisima Trinidad ay pagkakaibang pinag-iisa ng Pag-ibig.

Ang buhay ng Diyos bilang Sangtatlo ang bukal at huwaran ng kaisahan ng Simbahan. Sa Simbahan, lumalago tayo sa ating buhay sa loob ng komunidad ng pag-ibig: mula sa pag-iisa tungo sa pagbabahagihan. Matatagpuan sa buhay ng Diyos at ng Simbahan ang:

1. Equality: iisa at pantay-pantay sa dangal at pagka-Diyos ang Ama, Anak at Espiritu Santo. Sa ating komunidad ng Simbahan, pantay-pantay ang lahat dahil sa iisang dangal na kaloob ng binyag. Sabi ni San Agustin, kasama ninyo (with you), ako ay Kristiyano, pero para sa inyo (for you), ako ay obispo.

2. Distinction: sa tunay na komunidad, ang pagkakaiba ay iginagalang at ipinagtatanggol. Hindi sinisira, kundi itinataguyod ng pag-ibig, ang pagkakaiba at kasarinlan ng bawat kaanib. Ganito sa buhay ng Sangtatlo. Nananatiling magkakaiba sa pagkapersona. Sa simbahan, tayo ay magkakaiba sapagkat iba't iba ang ang personalidad at magkakaiba ng kaloob (1 Cor 12: 1ff).

3. Communion: Sa buhay ng Sangtatlo, ang pagkakaiba ang batayan ng pagkakaisa. Mayroong bahaginan (koinonia) ng buhay at pag-ibig. Sa ating komunidad at Simbahan, higit na tumitingkad ang kaisahan sa pagbabahaginan ng mga kaloob. "It is because we are different that we have so much to share." Walang sinumang mahirap na walang maaaring ibahagi at walang mayaman na walang maaaring tanggapin. Lahat ay may galing (talent), yaman (treasure), panahon (time), pananampalatata (testimony), pananagutan sa kalikasan (temple) na pinagbabahaginan.

4. Mission: sinugo ng Ama si Hesus. At pagkatapos, isinugo ng Ama at ng Anak ang Espiritu. Likas sa pag-ibig ang kumilos patungo sa labas. Pagbabahagi ang ekspresyon ng pag-ibig na wagas. Ganito rin sa bawat komunidad at sa ating Simbahan. Likas ang pagiging misyonero. Love begins at home but it must not end there. Love, of its nature, is given out and shared.

Linggo ng Santisima Trinidad o Banal na Santatlo/ MSK Sunday

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN