Sa Isang Salita: 'Paralisis' ni Msgr. Noel
02 July 2020
 
Mahirap ang katatayuan ng maysakit na paralisis. Dahil hindi makakilos at makapagtrabaho, pakiramdam niya ay isa siyang inutil at walang silbi.

Sa ebanghelyo, dobleng himala ang naganap nang pagalingin ni Hesus ang paralitiko. Hindi lang siya nakabangon mula sa banig ng karamdaman; higit sa lahat, nakalag din ang kanyang pagkakagapos sa kawalang pag-asa at pagkahabag sa sarili. Nagsimula sa kanya ang isang bagong buhay na kaloob ni Hesus.

May mas malalim na uri ng paralisis sa ating panahon: ang kawalan ng pagkilos para manindigan sa panig ng katarungan at katwiran. Higit pa sa kapansanan ng katawan, ito ay paralisis na bunga ng takot at pagsasawalang-kibo. Tulad ng Covid19 pandemic, lubhang nakakahawa ang sakit na ito - ang pagiging manhid ng budhi sa mga nagaganap sa ating paligid. Ani Papa Francisco, ito ang "globalization of indifference."

Hingin natin ang biyaya ni Kristo upang palayain tayo sa paralisis ng ating puso at ng ating budhi.

*Huwebes sa Ikalabing-tatlong Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN