Sa Isang Salita: 'Gapos' ni Msgr. Noel
17 August 2020
 
Totoo bang sinabi sa Biblia na, "Ang salapi ang ugat ng lahat ng kasamaan?" Sagot: mali. Ang tama at eksaktong nakasaad sa Kasulatan ay: "Ang pagmamahal sa salapi ang ugat ng lahat ng kasamaan" (1 Tim 6:10).

Hindi masama ang salapi sa ganang sarili. May taglay itong kabutihan na maaaring gamitin sa paglilingkod. Subalit ang pera ay "ginagamit" lamang at hindi "minamahal." Ang pagmamahal sa salapi ay nauuwi sa kasakiman. Nakagapos ang puso ng taong alipin ng kayamanan. "When we turn a relative good into an absolute, it becomes an idol." Ang yaman ang nagiging diyos. Ito ang nagiging sentro kung saan umiinog ang buhay ng taong ganid sa salapi.

Matindi ang hamon ni Hesus sa mayamang binata sa ebanghelyo. Nang sabihin Niya na ipagbili ang kanyang ari-arian at ipamigay sa mga dukha, malungkot na umalis ang binata. Di niya nagawang kumalas sa pagkaalipin ng kanyang puso. Napakompromiso na ang kanyang mga prinsipyo sa labis na pagpapahalaga sa ari-arian.

Ayon sa isang may-akda, nalilikha tayong kamukha ng diyos na ating pinaglilingkuran. Kapag si Hesus ang number one (1) sa ating buhay at sa kanya tayo naglilingkod, tayo ay nagiging kawangis niya.

Sino kaya ang ating kamukha?

*Lunes sa Ikadalawampung Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN