Sa Isang Salita: 'Tingni!' ni Msgr. Noel
24 August 2020
 
Bihira ang pinagkakalooban ng biyaya na 'makita' ang Diyos. Isa na rito si Jacob. Tinawag siyang "Israel," dahil nagkapalad siya na makaranas ng makalangit na pangitain.

Nang tawagin si Natanael (Bartolome), sinabi ni Hesus sa kanya, "Halika at nang iyong makita." Nang tugunin niya ang paanyaya, higit pa sa kanyang inaasahan ang kanyang nakita. Nanalig siya kay Hesus. Higit pa sa biyayang ipinagkaloob kay Jacob, 'nakita' niya kay Hesus ang presensya ng Diyos sa ating gitna.

Tayong mga binyagan ay mga tunay na Israelita. Inanyayahan at tumugon sa paanyaya ni Hesus. "Come and see." Tingni: si Hesus ang Diyos na sumasaatin.

Pumalaot tayo sa buhay ng pag-aalagad. Sa pananalig, mararanasan natin ang pamamalagi ng Diyos hindi lamang sa loob ng gusaling Simbahan, kundi sa araw-araw na buhay.

Tuwing sumisimba tayo sa araw ng Linggo, ipinagdiriwang natin ang Diyos na ang presensya at pagkilos ay nararanasan na natin araw-araw.

*Agosto 24, Kapistahan ni San Bartolome, Apostol

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN