Sa Isang Salita: 'Patas' ni Msgr. Noel
20 September 2020
 
Sa katapusan ng buhay, iisang gantimpala ang naghihintay; iisang langit ang kaganapan ng ating pagpapagal. Mahaba man o maiksi ang panahong ating ginugol sa paglilingkod, ang Diyos ay magkakaloob ng abot-abot na pagpapala, 'siksik, liglig at umaapaw.' Lahat ay pantay-pantay sa langit. Lahat ay kabahagi sa iisang Buhay.

Sa ating makataong pananaw, parang hindi patas ang Diyos. Sa ebanghelyo, ipinakita sa talinghaga na pare-pareho ang tinanggap ng mga nagtrabaho sa ubasan, kahit ang mga huling dumating iisang oras na lamang ang ginugol sa paggawa.

Ayos lang ba na tumanggap ng iisang pabuya ang lahat ng mabuting tao, kahit ang ilan sa kanila ay sa dapithapon na ng buhay nila naglingkod?

Subalit iba ang pamantayan ng pag-ibig. Hindi ito 'maisip.' Hindi nagbibilang ng gawa. Ang taong nagmamahal ay hindi naghahambing ng sarili sa iba. Alam niyang sa kanyang gawa, tinanggap na niya ang gantimpala.

"Too late have I loved you," sabi ni San Agustin. "Kung nakilala na kita agad noon pa man," dasal niya sa Diyos, "sana'y mas matagal kitang napaglingkuran."

Ito ang pananaw na maka-Diyos. "The measure of love is to love without measure."

*Ikadalawampu't Limang Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN