 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Katiwala' ni Msgr. Noel |
| 04 October 2020 |
| |
|
"Nang makita ng mga kasama ang anak ng may-ari ng ubasan, silay nag-usap-usap: Ito ang tagapagmana. Halikayo! Patayin natin nang mapasaatin ang kanyang mamanahin."
Tulad mga kasamá sa talinghaga ng ubasan, hindi tayo naging mabuting katiwala. Inabuso natin ang kalikasan. Sinira natin ang likas na yaman. Hindi tayo naging responsable sa paggasta ng mga bagay sa daigdig.
Sa pagtatapos ng Season of Creation kaalinsabay ng Kapistahan ni San Francisco ng Assisi (Oktubre 4), pagnilayan natin ang ilang batayang prinsipyo ng buhay katiwala.
S-ocial Justice : Lahat ng tao at grupo sa lipunan ay may karapatang makinabang sa likas na yaman ng daigdig, at makakabahagi nang pantay sa pag-unlad ng mga bansa. Ang pagkasira ng umiiral na kaayusan sa kalikasan ay nagmumulat sa atin ng ating pananagutan sa mga susunod na sali't saling lahi.
S-tewardship : Ang daigdig ay isang regalo na tinanggap natin nang libre na dapat nating ibahagi sa iba. Dahil ang mundo ay ipinagkaloob sa atin, hindi maaring ituring ito sa mapanggamit at mapanirang paraan, na ang tanging isinasaalang-alang ay tubo at pansariling pakinabang.
S-olidarity: 'Lahat ng bagay ay magkakaugnay.' Sa pagkasira ng isang bahagi, nalalagay sa peligro ang lahat. Dapat tayong kumilos upang protektahan ang lahat ng uri ng buhay sa daigdig, mula sa kabundukan hanggang sa karagatan.
Hindi tayo ang may-ari ng daigdig. Tayo'y mga katiwala na dapat mangalaga, luminang at magpayabong dito hindi lang para sa ating sarili kundi para sa mga susunod na henerasyon.
*Ikadalawampu't pitong Linggo sa Karaniwang Panahon/ Huling araw ng Season of Creation |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|