Sa Isang Salita: 'Shookt' ni Msgr. Noel
13 October 2020
 
May kakaibang pamamaraan ng pagtuturo si Hesus. Nakakagulat. Naliligalig ang mga nasa kapangyarihan. 'Shookt' effect, sa lingo ng mga millennial. Super gulat ang mga nakakasaksi.

Tahasan niyang sinalungat ang kinagisnang tradisyon ng kanyang mga ninuno. Nagpagaling siya sa araw ng Sabat para ipakita na mas mahalaga ang tao kaysa batas. Nakisama siya sa mga 'social outcast' para ipadama ang pamamayani ng awa ng Diyos. Hinugasan niya ang paa kanyang alagad para ituro na paglilingkod ang rurok ng pagiging dakila.

'Nilabag' niya ang ilang batas at kostumbre ng Judaismo -- para iwasto at punahin ang kahungkagan ng mga ito.

Sa ebanghelyo, sinadya ni Hesus na hindi maghugas ng kamay bago kumain - bagay na taliwas sa hinihingi ng batas ng 'ritual purity.' Ipinahayag niya na hindi sa panlabas na anyo nakikita ang tunay na kalinisan ng tao. Habang nasa estado ng pagkagulat ang mga nag-anyaya sa kanya, ipinamukha ni Hesus ang kababawan ng kanilang paniniwala. Anumang linis ng panlabas kung marumi naman ang puso, walang saysay ang mga seremonyas at ritwal ng relihiyon.

"Make a mess," ang hamon ni Papa Francisco sa mga kabataan. Minsan kailangang guluhin ang lumang kaayusan at gulatin ang natutulog na budhi ng lipunan upang manumbalik tayo sa pagkabatid ng tunay na mahalaga sa buhay.

*Martes sa Ikadalawampu't Walong Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN