Sa Isang Salita: 'Batik' ni Msgr. Noel
17 December 2020
 
Hindi lahat ng pangalang kasama sa talaang-angkan ni Hesus ay maka-Diyos at banal. Maraming may kapintasan at pagkukulang. May mga haring mapusok at taksil. Ilang babae ang hindi maganda ang reputasyon sa lipunan. Sa kabila ng lahat ng ito, niloob ng Diyos na dito magmula ang Mesias. God writes straight with crooked lines. Kahit maraming batik ang ating angkang pinagmulan, higit pa ring mangingibabaw ang grasya ng Diyos. Patunay lamang ito na wala sa merito o kabutihan ng tao ang pagdatal ng kaligtasan sa mundo, kundi sa kagandahang-loob ng Diyos.

Ipinakita ng ebanghelyo ni San Mateo na si Hesus ay tunay na kaisa natin sa pagkatao. Niyakap niya ang ating abang kalagayan at madilim na kasaysayan. Itinaas niya ang dangal ng ating lipi. Hindi dapat ikahiya ang ating kahapon, sapagkat may Diyos na aktibong nagliligtas ngayon. Anumang kahinaan, kayang palakasin ng kanyang grasya. Anumang kakulangan, kayang punan ng kanyang kabutihan. Anumang kaliitan, maaaring maging dakila sa kanyang pagyakap at paglingap.

Miracle happens when we learn to give from our poverty. Ito ang kabanalan ng Buhay-Katiwala (spirituality of stewardship). Hindi dapat maging hadlang ang kasalatan upang tayo ay makaambag sa pag-ugit ng kasaysayan ng ating sambayanan. Ang bawat isa - malinis man o may batik - ay may bahagi sa patuloy na pagbubuo ang Simbahan.

*Disyembre 17, Ikalawang Araw ng Misa de Gallo

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN