Sa Isang Salita: 'Pagpapala' ni Msgr. Noel
23 December 2020
 
Ang lahat sa ating buhay ay kaloob. Ang mabuhay - at magtamasa ng mga bagay sa daigdig - ay sa Diyos lahat nagmula. Ang pagsilang ni Juan Bautista sa Mabuting Balita ay kaganapan at patunay ng pagka-mapagbigay ng Diyos. Si Juan ay kaloob ng Diyos - hindi lang sa kanyang mga magulang, kundi sa buong sambayanan ng Israel. Sa ibat ibang paraan, ang Diyos na patuloy na nagpapala sa tao. Paano natin ginagamit ang mga kaloob ng Diyos?

Sa istorya ng Paglikha sa aklat ng Genesis, ibinigay ng Diyos sa tao ang daigdig upang linangin at pagyamanin. Sa paliwanag ni Papa Francisco, hindi ito nangangahulugan na tao lamang ang sukatan ng kabutihan ng bawat bagay. Mali ang paniniwalang ang isang nilikha ay may halaga lamang kung ito ay may silbi sa tao. Sabi ng Papa, ito ang nagiging sanhi ng pagsasamantala at pag-aabuso ng tao sa likas na yaman ng daigdig.

Sa kabalintunaan, bawat nilikhang bagay ay nagtataglay ng partikular na kabutihan at kaganapan. Ang kanila mismong pag-iral ay nagbibigay-luwalhati sa Diyos. Bawat isa ay sumasalamin sa karunungan at kabutihan ng Diyos. Samakatuwid, dapat nating igalang ang sangnilikha at ang mga batas nito. Bilang pasasalamat sa Lumikha, iwasan natin ang maling paggamit at pagsira sa kanyang mga nilikha. (LS 69)

*Disyembre 23, Ikawalong Araw ng Misa de Gallo

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN