Sa Isang Salita: 'Bukang Liwayway' ni Msgr. Noel
24 December 2020
 
Bukang Liwayway

Kung kailan pinakamatindi ang dilim ng gabi, iyon ang hudyat na malapit na ang bukang-liwayway ng bagong araw. Ganito ang kasaysayan ng pagliligtas. Matapos ang mahabang panahon ng pamumuhay sa karimlan, nabanaagan ng bayang Israel ang pagbubukang liwayway ng kaligtasan.

Personal na nasaksihan ni Zacarias ang kaganapan ng pagliligtas ng Diyos. Isinilang si Juan mula sa kanyang angkan upang ihanda ang daraanan ng Mesias. Ang Diyos ay tapat sa kanyang pangako. Kaya sa kanyang awit, sinabi ni Zacarias: "Magbubukang-liwayway sa atin ang araw ng kaligtasan..."

Walang laban ang dilim sa liwanag. May sandaling parang ito'y namamayani, subalit sa huli, ang kabutihan at katotohanan pa rin ang magtatagumpay.

Sa harap ng kawalang katarungan, katiwalian, kawalang paggalang sa buhay at pagkasira ng kalikasan na kinakaharap ng ating lipunan,
may dahilan pa rin tayo para umasa. Ayon kay Papa Francisco, Ang Diyos na lumikha ng lahat mula sa kawalan ay maaari ring pumasok sa ating kasaysayan upang gapiin ang lahat ng anyo ng kasamaan (Laudato Si, 74).

May mga senyales ng bagong pag-asa. Bagamat ang tao ay may kakayahang gumawa ng kasamaan, likas pa rin sa atin ang maghanap at gumawa ng kabutihan. Taglay ang biyaya ng Mesias, kaya nating umangat sa pagkamakasarili at piliin ang daan ng katuwiran.

Malaki ang magagawa ng mga mumunting pagkilos para ipagtanggol ang karapatan ng mga mahihina at ang integridad ng kalikasan. Hindi dapat iasa sa mga namumuno ang pagtataguyod ng kabutihang pangmadla. Sa kasaysayan ng kaligtasan, maraming pagkakataon na naging taksil ang mga hari ng Israel sa Diyos at sambayanan.

Tayo ay mga katiwala ng pagpapanibago. Hinahamon tayong Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas na buwagin ang mga "istruktura ng kasalanan." Sa ganitong paraan, daranasin natin ang bukang-liwayway ng kaligtasan sa bawat aspeto ng buhay sa lipunan.

*Disyembre 24, Ikasiyam na Araw ng Misa de Gallo

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN