Sa Isang Salita: 'Kamukha' ni Msgr. Noel
31 December 2020
 
Noong 1995, nang mamamaalam na si Papa San Juan Pablo II sa atin matapos ang kanyang huling pagdalaw sa Pilipinas, lumingon siya mula sa may pinto ng eroplano, inalis ang kanyang solideo at iwinagaygay sa mga tao.

Sa mga nakakaunawa, ang ginawa ng Santo Papa ay may malalim na ipinahihiwatig. Ang literal na kahulugan ng 'solideo' ay 'sa Diyos lamang.'' Inaalis ito ng Papa (o obispo) sa harap lamang ng presensya ng Diyos. Nang alisin ng Papa ang kanyang solideo sa harap ng mga Pilipino, ipinahayag niya sa paraang simboliko: "I have seen God in your faces; I have encountered Jesus in you."

Sa huling araw ng taon, ipinahahayag sa ebanghelyo ang kabuuan ng kahulugan ng Pasko: "At ang Salita ay naging tao, at nakipamayan sa gitna natin." Ang Diyos ay naging kamukha natin.

Noong una, kailangan mong tumingala sa langit para makita ang Diyos. Ngayon, kailangan mong tumungo sa lupa at doon makikita mo siya sa sabsaban (Fulton Sheen). Ito ang hiwaga ng pasko, nang pagpasyahan ng Diyos magbunyag nang ganap tungkol sa kanyang buhay, pinili niyang maging ating kamukha. Kay Hesus, naging ka-uri, ka-itsura natin, ang Diyos.

Kung gusto nating makita ang Diyos, tingnan natin siya sa ating kapwa. Bawat tao ay kamukha ng Diyos. Ito ang piniling paraan ng pagbubunyag ng Diyos.

Sa kasawiang palad, hindi ito nahagip ng pang-unawa ng mga lider ng Judaismo. Ayaw nilang kilanlin ang presensya ng Diyos sa anyong kanyang pinili: kababayan, kalahi at kamukha nila. Para sa kanila, ang pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos ay isang iskandalon (katitisurang bato).

Tayo rin ay maaring malampasan ng pagdalaw ng Diyos sa ating buhay kapag hindi natin kinilala sa kanyang presensya sa ating kapwa, lalo na ng mga nangangailangan. Mula sa Luma hanggang sa Bagong tipan, ang tanging lugar ng pagpapakita ng Diyos ay ang lugar ng karalitaan.

Sa buhay na ito, ang naghahari ay ang mga 'big-time' at makapangyarihan sa lipunan; tila baga sa kanila nakasalalay ang ating kapalaran. Subalit sa kabila, ang bida ay ang mga aba at dukha. Sa kanila nakasalalay ang ating kaligtasan. Ani Hesus, "Anuman ang ginawa ninyo sa isa sa mga maliliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa..."

*Disyembre 31, Oktaba ng Pasko ng Pagsilang

++Ang solideo ay ang maliit na telang puti na animo'y sombrero na inilalagay sa ulo.

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN