 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Simula' ni Msgr. Noel |
| 01 January 2021 |
| |
|
Lahat ng simula ay mahalaga. Dito natatakda ang nais nating tunguhin at ganapin sa darating na bukas. Kaya kahit noong una, may diyos ang Griego-Romano - si Janus - na kinilalang diyos ng mga simula, pagbabago at pagpapalit ng panahon. Diumano, sa kanyang ngalan nagmula ang tawag sa unang buwan ng taon, "January." Sa larawan, makikita na siya ay may dalawang ulo. Ang isa ang nakalingon sa nakalipas, at ang isa ay natanaw sa darating. Ipinahihiwatig na sa bawat paglipat sa bagong yugto ng panahon, dapat tayong magbalik upang matuto sa nakaraan, at magplano upang mapaghandaan ang bukas.
Sa ating mga Katoliko Kristiyano, sinisimulan natin ang taon sa pagdiriwang ng Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos. (Sa katunayan, ang Enero 1 ay araw ng pangilin, hindi dahil ito ang Bagong Taon, kundi dahil Kapistahan ng Ina ng Diyos, ang pinakamatandang fiesta ni Maria sa kasaysayan ng Simbahan.)
Bakit si Maria? Siya ang huwaran ng paglingon sa pinanggalingan. Puno ng pasasalamat sa puso, pinarangalan niya sa Magnificat ang Diyos na "gumawa sa kanya ng mga dakilang bagay." At sa ebanghelyo, "pinagbulay-bulayan ni Maria ang mga bagay na ito sa kanyang puso." To think is to thank. Ang taong marunong magnilay at magdasal ay marunong ding magpasalamat.
Si Maria rin ang larawan ng pagharap sa hamon ng taong darating. Ang kanyang buong buhay ay larawan ng pagiging "bago." Sa kanyang "Oo" sa Diyos, nagsimula ang bagong yugto sa kasaysayan ng sangkatauhan. Siya ang bukang liwayway ng kaligtasan. Siyang ang "bagong Eba," na bumawi sa pagsuway ng luma. At sa pamamagitan ng kanyang "Fiat" (Oo), magkatawang tao ang Salita at naging kababayan natin.
Sinasabi sa mga unang taon ng ating pag-iral sa daigdig, ang ating ina ang lagi nating kasama at gabay. Sa pagsisimula ng taon, nawa'y gabayan tayo ng ating Inang Birhen sa pagtahak sa landas ng buhay.
*Enero 1, Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos Oktaba ng Pasko ng Pagsilang |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|