Sa Isang Salita: 'Liwanag' ni Msgr. Noel
04 January 2021
 
Nag-iyakan sa galak ang mga tao sa isang pook sa Coron, Palawan nang malagyan ng solar-powered lights ang kanilang barangay. Nailawan ang lugar na matagal nang namuhay sa dilim. Para sa kanila, ito'y isang bagong pasimula. "Sa wakas, nakatanaw na kami ng pag-asa," anila.

Ganito ang karanasan ng sangkatauhan sa pagdating ni Kristo: "nakatanaw ng Liwanag ang bayang matagal nang nag-apuhap sa dilim." Ang Zabulon at Neptali ay lugar ng mga pagano. Sumasagisag ito sa mundong balot sa karimlan. Dito nagsimulang mangaral si Hesus, at sa isang simbolikong paraan, ay naganap sa daigdig ang pangako ng isang bagong pasimula.

Liwanag ang hatid ng pangangaral ni Hesus. "His Word brings truth to light." Sa aklat ng Genesis, ang Liwanag ang unang nilikha ng Diyos. Sa kanyang makapangyarihang salita, nagkaroon ng liwanag. Kung walang liwanag, wala ring buhay, ang ating mga mata ay walang matatanaw, at sa ating landas ay walang magsisilbing gabay.

Ang pangangaral ni Hesus ay isang bagong paglikha. We were re-created by the Word. Binigyan tayo ni Hesus ng bagong buhay at pananaw.

Maging panalangin nawa natin ang ipinapahayag sa aklat mga Awit: "Ang iyong Salita, o Diyos, ay liwanag sa aming mga paa at tanglaw sa aming landas."

*Lunes pagkatapos ng Epipaniya

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN