Sa Isang Salita: 'Daluyong' ni Msgr. Noel
06 January 2021
 
Sa panahong ito ng nagbabagong klima, malimit tayong makaranas ng malalakas na bagyo. Walang laban ang tao sa pwersa ng kalikasan.

Sa ebanghelyo, habang sinasabukay ng malalakas na alon ang bangkang sinasakyan ng mga alagad, nakita nila si Hesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Hindi nila siya nakilala. Natabunan ng malaking takot ang pananalig sa kanilang puso. Subalit sinabi sa kanila ni Hesus: "huwag kayong matakot, Ako ito." Ang pagpapakilala ni Hesus ay katumbas ng banal na pangalan ni Yahweh: "Ako ay si Ako Nga." Ito ang pangalang ipinahayag ng Diyos kay Moises sa Nagliliyab na Punong Kahoy. Patunay ito ng presensya ng Diyos sa kasaysayan ng kanyang bayan.

Sa ating paglalakbay sa dagat ng buhay, ang Diyos ay "nasa ibabaw" ng mga alon at daluyong. Sa mga sandali ng dilim at pagkabagabag, na tila di natin maramdaman ang kanyang presensya, nananatiling si Hesus ang may kontrol ng lahat. Sabi ng isang typhoon survivor: "higit na malakas ang ating Diyos kaysa hagupit ng anumang bagyo."

Sa loob ng Linggo ng Epipaniya (o Pagpapakita), nawa'y patuloy nating makilala si Hesus. Nagpapakita siya sa mga masama at mabuting panahon ng ating buhay.

*Miyerkules pagkatapos ng Epipaniya

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN