Sa Isang Salita: 'Haplos' ni Msgr. Noel
08 January 2021
 
Noong wala pang pandemya, may isang hinahangad ang makapal na taong sumasama sa traslacion ng Poong Nazareno sa Quiapo. Nais nilang makahawak man lamang sa anumang bahagi ng imahen ni Hesus. Para sa kanila, may kaakibat itong pagpapala at natatanging biyaya.

Sa nagmamahal, mahalaga ang physical contact. Ang haplos ng pagmamahal ay nakapagpapatibay ng ugnayan. Sa sandali ng karamdaman, ito ay naghahatid ng kagalingan.

Sa ebanghelyo, hinipo ni Hesus ang ketongin upang igawad ang biyaya ng paghilom. Tinawid ni Hesus ang agwat na naghihiwalay sa mga malilinis at marurumi. Sa isang iglap, naging buhay na karanasan ang pag-ibig ng Diyos sa makasalanan. Nabigyang dangal ang mga itinuturing na basura ng lipunan.

Sa kabila ng ipinapatupad na physical distancing, patuloy nating nararanasan ang haplos ng Diyos sa araw-araw. Ang lahat sa buhay at ang buong sangnilikha ay sakramento ng kanyang presensyang nagdudulot ng kagalingan at kaligtasan.

Ang Diyos-na-sumasaatin ay nagpaparamdam ng kanyang paglingap sa iba't ibang paraan.

*Biyernes pagkatapos ng Epipaniya

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN