Sa Isang Salita: 'Kaparis' ni Msgr. Noel
10 January 2021
 
May isang labintatlong taong gulang na bata ang may sakit na kanser. Sumailalim siya sa chemotherapy na naging sanhi ng unti unting pagkaubos ng kanyang buhok. Nang lumakas na siya at handa nang pumasok muli sa paaralan, umisip ng magandang paraan ang kanyang mga kaklase kung paano iwe-welcome siyang muli. Upang hindi siya mahiya sa pagkalagas ng buhok, napagpasyahan ng buong klase na lahat ay magpakalbo.

Nagulat ang bata nang makita niya ang kanyang mga kaklaseng wala na ring buhok. Nasabi niya sa sarili. "Hindi pala ako nag-iisa... I feel blessed, I am loved."

Ang Diyos ay naging ating kaparis upang tayo'y maging kanyang kawangis. "His identification with us in our humanity is the redemptive event par excellence." Pwede nating akuin ang sinambit ng bata: "hindi tayo nag-iisa... we are blessed, we are loved."

Ito ang kahulugan ng Pagbibinyag Kay Hesus sa Ilog Jordan. Kahit walang kasalanan, sumailalim si Hesus sa binyag ng pagsisisi upang ipahayag ang pakikiramay sa ating abang katatayuan.

Sabi ni Henri Nouwen, ang pakikiramay ay pagpasok sa gusot ng buhay ng iba. Compassion means "entering into the chaos of another." Ito mismo ang ginawa ng Diyos. Pumasok siya sa gusot at gulo ng makataong karanasan. He became like us in our humanity, so that we can become like Him in his divinity.

Noong dumalaw si Papa Francisco sa ating bansa, bitbit niya ang mensahe ng awa at pakikiramay. Pinili niyang puntahan ang lugar na pinakamatinding nasalanta ng bagyo upang bigyan sila ng dangal at pag-asa ng isang panibagong buhay.

Ngayong huling araw sa panahon ng kapaskuhan, ipinapaalaala ng Kapistahan ng Pagbibinyag kay Hesus, na tahakin din ang daang tinahak ni Hesus. Anang Santo Papa: "I prefer a church which is bruised, hurting and dirty because it has been out on the streets, rather than a church which is unhealthy from being confined and from clinging to its own security."

*Kapistahan ng Pagbibinyag kay Hesus sa Ilog Jordan (Huling araw ng Pasko)

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN