Sa Isang Salita: 'Kapanalig' ni Msgr. Noel
15 January 2021
 
Mahirap manalig nang nag-iisa. Hindi sa lahat ng pagkakataon tayo ay malakas. May panahon nakakaranas tayo ng kahinaan. Kailangan natin ng karamay. Kulang ang buhay kung walang kapanalig. Sila ang kaagapay natin sa paglapit sa Diyos.

Sa ebanghelyo, ang pananampalataya ng apat na katao ang nagdala sa paralitiko kay Hesus. Larawan sila ng mga tunay na kapanalig; mga tunay na karamay ng kapwang nangangailangan. Ito ang diwa ng Simbahan. Kapatid ang turing natin sa bawat bahagi, malakas man o mahina. Tayong lahat ay may pananagutan sa isa't-isa.

"No one becomes a Christian in isolation," sabi ni Joseph Ratzinger (Papa Emerito Benedicto). Tayo'y lumalago bilang mga Kristiyano sa loob ng komunidad ng mga nananalig. Kulang ang ating pag-iral kung walang Diyos at kapwa sa ating buhay.

*Biyernes sa Unang Linggo ng Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN