Sa Isang Salita: 'Bata' ni Msgr. Noel
17 January 2021
 
Sa puso ng isang bata, laging may puwang ang kapwa. Alam ng bata na hindi siya kumpleto. Kailangan niya ang tulong ng mga taong nasa paligid niya. Ganito tayo sa harap ng Diyos. We are perpetually God's children in Christ by virtue of baptism. Kulang ang ating buhay kung wala ang Diyos. Kailangan nating ang grasya ng kanyang pagkupkop at pagliligtas.

Ang mga bata ay sagisag din ng mga mahihina at walang kapangyarihan sa lipunan. Pinili ng Diyos na mahayag ang kanyang pagka-Diyos sa karalitaan. Wala sa palasyo ang hari ng sansinukob. Naroon siya sa sabsaban.

Sa mga aba at mga dukha ang espesyal na lugar ng pagbubunyag ng Diyos. Sila ang magtatakda ng kahatulan sa huling araw ng ating buhay. "Anuman ang gawin ninyo sa mga maliliit na ito ay ginagawa ninyo sa Akin," sabi ni Hesus.

Sa pagiging tulad ng bata, nababatid natin na tayo rin ay salat at mahina. Ito ang nag-uugnay sa atin sa mga pinakaaba sa lipunan. Sa gitna ng maraming kalamidad na nararanasan ng ating bansa, magi nawa nating panata sa Poong Sto. Niño ang hanapin si Hesus sa lugar ng mga nangangailangan ng pagdamay at paglingap.

"There can be no keener revelation of a society's soul than the way in which it treats its children" (N. Mandela).

*Kapistahan ng Poong Sto. Niño, Ikatlong Linggo ng Enero

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN