 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Edukado' ni Msgr. Noel |
| 27 January 2021 |
| |
|
Hindi sa dami ng pinag-aralan nasusukat ang pagiging tunay na edukado. Sa tunay na buhay, ang karunungan ay nakikita sa kagandahang asal. Maging sa biblia, ang tuwid na pamumuhay ang sukatan ng karunungan. "Wisdom is righteousness."
Tulad ng iba't ibang klase ng lupa sa Talinghaga ng Manghahasik, magkakaiba rin ang disposisyon ng mga taong nakikinig sa aral ni Kristo. Bagamat maraming uri ng lupa ang nahasikan ng binhi, isa lang ang nagbigay ng saganang ani: ang mabuting lupa. Ang pagkaunawa sa Salita ay makikita sa kabutihan ng puso. Sa "saganang bunga" makikita ang uri ng pagkatao mayroon tayo.
Sa paaralan, itinuturo muna ang leksyon bago iangkop sa buhay. Sa pananampalataya, ang pagsasabuhay ng leksyon ang patunay na tayo ay may natutunan.
Sa harap ng krisis, lumilitaw ang huwad at tunay na mananampalataya. May ilang nasisilaw sa tukso ng salapi sa harap ng mga usaping panlipunan at pangkalikasan. Kaagad nababago ang paninindigan sa kabila ng binhi ng salita - homiliya, panayam, recollection - na ipinunla sa kanilang puso.
Subalit hindi humihinto ang Manghahasik sa pagpapalaganap ng binhi ng Salita. Hindi dapat tumigil ang Simbahan sa pangangaral.
*Miyerkules sa Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|