Sa Isang Salita: 'The Voice' ni Msgr. Noel
31 January 2021
 
Isa lang ang pwedeng magwagi sa The Voice, isang paligsahan sa pag-awit sa telebisyon. May 'pattern' ang nagiging kampeon: hindi yung magaling bumirit; di rin yung mataas ang boses. Ang nanalo ay yung umaawit nang mula sa puso. May 'pinaghuhugutan', 'ika nga. Ang inaawit nila ay ang himig, hindi ng awit, kundi ng buhay. Nagkakaroon ng pagkakaisa ang awit at ang umaawit.

Ang pangangaral ay tulad din ng pag-awit. Kailangang magkaisa ang buhay at mensahe ng nagpapahayag. Sa ebanghelyo, si Hesus ay "nagsasalita nang may kapangyarihan, di tulad ng mga eskriba." Bakit? Sapagkat Siya at ang Kanyang mensahe ay iisa.

Si Hesus mismo ang Salita ng Ama. Sa lumang tipan, ang mga tao ay nanginginig sa takot na marinig sa boses ng Diyos. Sabi ng isang may-akda, kung ang Diyos ay nasa langit, nasa lupa, at nasa lahat ng kanyang ginawa, tiyak na sobrang laki ng kanyang bunganga! Matutulilig tayo sa lakas ng kanyang tinig. Dahil dito, ang Diyos ay pumili ng mga taong tagapagsalita niya: mga propeta (mouthpiece of God) upang marinig natin ang Diyos sa tinig ng tao. Ito ay nagkaroon ng kaganapan kay Hesus, ang Salitang-Naging-Tao.

Lahat tayo ay may bokasyong maging propeta - spokesperson, mouthpiece, tagapaghatid ng Salita ng Diyos. Bilang mga propeta:

1. Pinatitingkad natin ang presensya ng Diyos sa ating gitna. We 'crystallize' God's presence. Our life becomes an "audio-visual" of God's message.

2. Pinaaalahanan tayo ng mga bagay na makalangit. Every prophetic word reminds us of things that matter. Hindi kayang ibigay lahat ng mundo ang hinahangad ng ating puso. Diyos lamang ang makatutugon dito.

3. Pinapanibago ng Salita ang ating buhay. Sabi ni Papa Benedicto, the Word of God is not only informative; it is performative. Dapat itong isabuhay. Nakikinig tayo sa Salita di lang para matuto, kundi para magbago.

Ang mga tumanggap ng Salita ay hindi dapat manahimik. Dapat tayong magpahayag upang maging sangkap ng pagpapanibago ng lipunan. "Our lives begin to end the day we become silent about things that matter." (ML King)

*Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN