Sa Isang Salita: 'Mabukasan!' ni Msgr. Noel
12 February 2021
 
Mahirap sa tao ang maging bingi. Nawawalan siya ng kakayahang makarinig at makaunawa. Napapawalay siya sa lipunan at sa kapwa. Pinuputol ng pagkabingi ang kakayahang makipag-ugnay at umunawa. Dahil dito, sa pagiging bingi inihahalintulad ang kawalang-pakialam o pakiramdam sa mga nagaganap sa paligid.

Sa pagpapagaling ni Hesus ng taong bingi at pipi, pinalaya niya ito sa pagkabilanggo sa sarili. Nabuksan ang kanyang mundo para sa iba.

Maraming uri ng pagkabingi ang humahadlang para marinig ang Diyos, na nagsasalita hindi lamang mula sa Biblia, kundi mula sa aklat ng mga nagaganap sa lipunan. Nakabibingi ang dami ng pinagkakaabalahan ng tao sa araw-araw.

Nakakahawa ang pagbibingi-bingihan ng ilan sa mga usaping panlipunan at pangkalikasan. Tinuligsa ni Papa Francisco ang globalization of indifference na aniya ay isa sa sanhi ng pagkasira ng ating tanging tahanan (common home). Nawawalan na ng kakayahan ang ating pusong dinggin ang panaghoy ng mga dukha at ng kalikasan.

Sa ating panahon, maraming 'nabibingi' sa pagkahumaling sa modernong gadgets na halos pumalit na sa personal na ugnayan sa kapwa.

Ephphatha! [Mabuksan!] Hingin natin ang biyaya na mabuksan hindi lang ang ating mga tainga, kundi ang pandinig ng ating puso. Mabuksan din nawa ang ating mga kamay upang malayang tumanggap at magbahagi.

Mabuksan ang ating puso upang dito ay mabigyang puwang ang Diyos sa katauhan ng mga nangangailangan.

*Biyernes sa Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN