Sa Isang Salita: 'Maskara' ni Msgr. Noel
17 February 2021
 
Ano ang pagkakaiba ng 'make up' na inilalagay sa mukha, at ng abo na inilalagay sa ulo? Ang 'make up' ay inilalagay sa mukha upang matakpan ang imperfection ng panlabas na anyo; ang abo ay inilalagay sa ulo upang ilantad ang kakulangan ng isang tao sa harap ng Diyos.

Ang 'make up' ay tulad ng maskara na itinatago ang natural o likas sa itsura ng isang tao; ang abo ay nagpapahayag ng panloob na disposisyon ng isang pusong nagsisisi.

Ito ang mga paalaala ng ebanghelyo ngayong unang araw ng Kuwaresma: huwag maging paimbabaw lamang ang paggawa ninyo ng mabuti. Ang tatlong haligi ng disiplina ng kuwaresma - ayuno, panalangin at kawanggawa - ay hindi dapat maging maskara ng kabanalan para mapagtakpan ang ating pagsasawalang-kibo sa harap ng mga kasalanang panlipunan. Ang mga ito ay hindi lamang panlabas na ritwal na kinamihasnang gawin sa mga araw ng kuwaresma. Sa halip, dapat itong magpahayag ng ating kahandaang magbagong buhay at maging sangkap ng pagpapanibago sa lipunan.

Kung paanong dinudurog ng araro ang matigas at tigang na lupa, kailangan ding durugin ng taimtim na pagsisisi ang ating pusong pinatigas ng kapalaluan at pagsasawalang kibo sa laganap na pagwawalang halaga sa dangal at buhay, at walang habas na pagsira sa kalikasang bigay ng Maykapal.

Paalaala ng Propeta Joel: "Gawakin ninyo ang inyong mga puso at hindi ang inyong balabal."

*Miyerkules ng Abo, Unang Araw ng Kuwaresma

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN