 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Tinapay' ni Msgr. Noel |
| 21 February 2021 |
| |
|
Ang gutom ay simbolo ng malalim na paghahangad ng ating espiritu. Mahirap ang walang makain, pero mas mahirap ang buhay na salat sa Diyos.
Ang unang tukso ng Diablo kay Hesus, sa gitna ng kanyang pag-aayuno sa desierto ay "tukso ng tinapay." Ano nga naman ang mapapala natin sa pagtitiis ng gutom? Hindi ba't mas masaya ang magpakabusog at magpasasa sa layaw ng mundo?
Tayo ba'y nabubuhay para kumain, o kumakain para mabuhay? Ipinamalas ni Hesus na higit na mataas na layunin ang ating buhay kaysa tugunan ang pansariling pangangailangan. Nauuwi ito sa idolatriya ng kasakiman: sinasamba natin ang sarili at hindi ang tunay na Diyos.
Sinabi ni Hesus sa Diablo: "hindi lamang sa tinapay ang tao nabubuhay, kundi sa Salitang nagmumula sa bibig ng Maykapal." Diyos lamang ang tutugon sa malalim na gutom ng puso.
Ang tinapay ay sagisag ng mga pagpapalang galing sa Diyos. Isang tukso na gamitin natin ang ating salapi at yaman nang walang panlipunang pananagutan. Sinisira ng kasakiman ang ating ugnayan sa Diyos, sa kapwa at sa kalikasan.
Sabi ni Papa Francisco: labanan natin ang culture of waste." "Throwing food away is like stealing from the tables of the poor, the hungry!"
Ang mag-aksaya ng yaman nang walang kapararakan ay insulto sa mga maralita. Ang pagsira sa kalikasan ay pagnanakaw sa kinabukasan ng susunod na henerasyon.
Tungkulin nating akuin ang pananagutan sa kapwa at sa lipunan. Tinatawag tayong maging Tinapay para sa iba; ang maging tulad ni Kristo sa Tinapay ng Eukaristiya.
*Unang Linggo ng Kuwaresma |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|