Sa Isang Salita: 'Walang Kapalit' ni Msgr. Noel
27 February 2021
 
Walang Kapalit

Pag-ibig na handang magtiis ang tema ng isang awitin ng OPM icon na si Rey Valera: "Huwag mangamba, hindi kita paghahanapan pa ng anumang kapalit sa inalay kong pag-ibig..."

Hindi mapaghanap at hindi naghahangad ng gantimpala ang wagas na pag-ibig. Sa lenguahe ng isang pilosopo: "love is always self-transcending, never self-fulfilling."

Ganito ang pag-ibig ng Diyos: walang 'boundary.' Minamahal Niya hindi lamang ang mga nananalig kundi pati na ang mga nakakalimot. "Pinasisikat niya ang araw at pinapapatak ang ulan hindi lang sa mga matuwid, kundi pati sa mga makasalanan."

Ito ang Kristiyanong pamantayan ng pag-ibig. Kahit ang itinuturing nating kaaway ay dapat saklaw ng ating paglingap at malasakit.

Ngayon pa man, naglipana na ang mga tarpaulin para ibandera ang mga mabuting nagawa ng ilang 'public servant.' Sabi ng ebanghelyo, "Anong gantimpala pa ang kanilang hihintayin?" Tinanggap na nila ito nang labis-labis pa.

Ngayong panahon ng Kuwaresma, maging sangkap tayo sa pagbuwag ng mga istruktura ng kasalanan na nag-uugat sa labis na pagmamahal sa sarili. Maging matatag tayo sa pagsalungat sa kalakaran ng mundo. Sa pamantayan ng pag-ibig, ang paglilingkod ay walang kapalit: walang suhol, balato at porsyento.

*Sabado sa Unang Linggo ng Kuwaresma

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN