Sa Isang Salita: 'Uhaw' ni Msgr. Noel
06 March 2021
 
Higit na mahirap ang mauhaw kaysa magutom. Sa karanasan ng isang survivor na nalibing nang buhay sa gumuhong Hyatt Hotel sa Baguio noong dekada '90, labing-isang araw siyang nakatagal sa ilalim ng guho kahit walang pagkain. Subalit nabuhay siya dahil sa patak ng tubig na nanggaling sa ulan.

Uhaw ang malalim na ekspresyon ng ating pananabik sa Diyos. "Kung paanong humihingal ang usa sa pagkauhaw sa tubig ng mga batis, gayon humihingal ang aking kaluluwa sa pagkasabik sa iyo, Oh Dios." (Mga Awit 42: 1)

Sa talinghaga ng Alibughang Anak, nagsimulang magbalik-loob ang bunsong anak nang maramdaman niya ang uhaw sa pagmamahal ng kanyang Ama. Ang gutom at uhaw na kanyang dinanas sa malayong lupain ay sagisag "gutom at uhaw" ng isang taong napapalayo sa Diyos.

Sa panahong ito ng Kuwaresma, nawa'y ang kusang loob nating pagpapakasakit ay magpasidhi sa pananabik ng ating puso sa Diyos.

Sabi ni San Agustin, "our hearts are made for Thee O God, and restless must they be, until they rest in Thee."

*Sabado sa Ikalawang Linggo ng Kuwaresma

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN