Sa Isang Salita: 'Katiwala' ni Msgr. Noel
05 March 2021
 
Who are we? Whose are we?

Isang ilusyon ng tao na akuing pansarili ang hindi niya pag-aari. Malimit ganito umasta ang tao. Walang pakundangan sa mga biyaya na ipinahiram lang sa kanya ng Maykapal. Kung minsan pa nga, mas matapang pa sa may-ari ang mga pinagkatiwalaan lamang.

Sa ebanghelyo, ipinakita sa talinghaga kung paano naghari-harian at namayagpag ang mga katiwala. Inabuso at sinaktan ang mga sugo, at pati ang anak ng may-ari ng ubasan ay pinaslang at pinatay.

Tayo'y mga katiwala lamang. Diyos ang may-ari sa atin. "We do not bequeath the world's wealth to our children; we borrow it from them."

Nakapangingilabot kung paano abusin at gastahin ng ating henerasyon ang likas na yaman ng mundo. Sa harap ng mga banta ng climate emergency, parang "business as usual" at walang pagbabago ng puso ang mga namumuhunan at mga nasa kapangyarihan.

"To him much has been given, much will be required." Ang pinagkatiwalaan ng malaki - kapangyarihan man o yaman - ay malaki rin ang pananagutan sa nagkaloob nito.

Mismong ang Santo Papa ang nagpaalaala sa atin: "hindi dapat isakripisyo ang kalikasan kapalit ng tutubuing salapi na kalimitan ay iilan lamang ang nakikinabang" (Laudato Si, 190).

Ngayong panahon ng Kuwaresma, muli nating tuklasin kung "Sino tayo" at kung "Kanino tayo." Tayo'y mga katiwala. Diyos ang may-ari sa atin.

*Biyernes sa Ikalawang Linggo ng Kuwaresma

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN