 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Apoy' ni Msgr. Noel |
| 07 March 2021 |
| |
|
Saan ang Diyos nananahan? Saan matatagpuan ang kanyang presensya? Sabi ng isang spiritual writer, We do not find God in a specific place because God can be found in every place.
Sa ebanghelyo, ipinahayag ni Hesus: "Ang aking malasakit sa iyong bahay ay parang apoy na nag-aalab sa puso ko." Sa mga Judio, pinakasagradong pook ang Templo sa Jerusalem. Ito ang bahay ng Diyos. Dito matatagpuan ang Kanyang presensya.
Subalit ang pagdatal ni Hesus ay naghatid ng bagong ugnayan ng Diyos at tao. Ang kanyang presensya ay hindi na nakatali sa iisang pook. Maaari nating sambahin ang Diyos sa espiritu at katotohahan. Si Hesus ang Bagong Templo, ang ganap na pananahan ng Diyos sa ating gitna.
Sa kanyang pagkakatawang-tao, pinabanal ng Diyos ang buong sangnilikha at ang lahat ng sumasa-panahon. Ang bawat tao ay pinanahanan ng Espiritu. Ang kalikasan ay salamin ng presensya ng Diyos at sinasaklaw ng kanyang kapangyarihan.
Sa ating panahon, saksi tayo sa lantarang pagsira sa templo ng Diyos. Sa bawat paglabag ng tao sa dangal ng buhay at sa integridad ng kalikasan, nilalapastangan natin ang mga "pook" na pinananahanan ng Kanyang presensya. Ang banal na lugar ay ginawang pugad ng mga magnanakaw.
Sa liham ni Papa Francisco, ipinaunawa sa atin ang mas malawak na kahulugan ng pagbabagong-buhay. Aniya, a paradigm on ecological conversion needs to usher in a new awareness: The cry of mother earth is as equally urgent as the cry of the poor for social justice.
Nawa'y ang malasakit natin sa Templo ng Panginoon - sa mga pook na pinananahanan ng kanyang presensya - ay tulad din ng apoy na nag-aalab sa ating puso.
*Ikatlong Linggo ng Kuwaresma (B) |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|