Sa Isang Salita: 'Alaala' ni Msgr. Noel
02 April 2021
 
Alin ba ang mas mahirap: ang malimutan o ang makalimot?

Masakit ang malimutan. Sukatan ito ng kung gaano tayo kahalaga sa ibang tao. Ang mga yumao ay nilalagyan natin ng 'memorial' o 'in loving memory,' para sa alaala ay manatili silang kapiling natin.

Pero mas mahirap ang makalimot. Ang lahat sa ating buhay ay tungkol sa alaala. Kapag ang isang tao ay nagka-amnesia o alzeimher's disease, nawawala ang kanyang identity; napuputol ang kanyang koneksyon sa mga mahal sa buhay. One who remembers is "re-membered;" while one who forgets is "dis-membered."

Ang Simbahan ay nananatili dahil sa alaala. Tayo ay bahagi ng Simbahan dahil tayo ay "nag-aalaala." Ang buong buhay ng sambayanang nananalig ay nakasandig sa alaala ni Cristo. Kaya't noong Huling Hapunan, mahigpit na tagubilin ni Hesus: "Gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin."

Habang nag-aalaala (anamnesis, sa Hebreo), tayo'y nagiging bahagi ng istorya ng pagliligtas - sa ating pook at sa ating panahon. "The church is a pilgrim people that tell and re-tell the story of Jesus." Ang ebanghelyo ng Biyernes Santo ay bahagi ng patuloy na paggunita sa Diyos na nagmamahal sa tao.

Hindi lang pagsasangayon ng kahapon ang nagaganap sa pag-aalaala. Nag-iiwan din ito ng dagok at hamon sa budhi ng ating pamayanang salat sa pakikisangkot at pagdamay.

"Dangerous memory." Mapanganib, anang teologo na si Johann Baptist Metz, ang alaala ng Kristong namatay at muling nabuhay. Patuloy nitong inuusig at nililigalig ang ating lipunang madaling makalimot sa pagpapahalaga ng ebanghelyo. Hinahamon nito ang bawat henerasyon na muli't muling dinggin at isabuhay ang mensahe ng pagpapanibago.

Sa harap ng Kristong nagdurusa sa Krus, itanong natin kung hanggang saan tayo naging bahagi ng patuloy na paghihirap ng ating kapwa -- dahil sa pagsasawalang-kibo sa harap ng karahasan, korapsyon at pagnanakaw; at pagiging manhid sa mga usaping panglipunan at pangkalikasan.

Malaking kasalanan na ituring ang Biyernes Santo na isang taunang ritwal lamang o isang istorya ng kahapon o nakaraan.

Mawawalan ng halaga ang mga ayuno at pagpipenitensya kung patuloy naman tayong magiging bahagi sa pagpapanatili ng lipunang nagtataguyod ng kultura ng karahasan laban sa kalikasan at mga mahihina sa gilid ng lipunan.

"The social and political power of the rich and the rulers must be open to the question of the extent to which it causes suffering. (J B Metz, Anamnesis as Dangerous Memory)

.
*Biyernes Santo ng Triduo Pascual

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN