 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Wakas' ni Msgr. Noel |
| 03 April 2021 |
| |
|
Batas ng kalikasan na kailangang may mamatay para ang iba ay mabuhay. Batas ng kasaysayan na may nagbubuwis ng buhay para magising ang bayan at ipaglaban ang kalayaan. Batas ng ating pagkatao na kailangang pumanaw sa lumang sarili upang makabangon bilang bagong nilalang.
Ayon sa isang lumang homiliya ng Sabado Santo: "Namatay ang Diyos sa katauhang kanyang inako." Ang KANYANG kamatayan ang naging 'kamatayan' ng ATING kamatayan. His death has put an end to our death. Ipinakita ni Hesus na ang wakas ay pasimula ng bagong kaganapan.
Nagwakas ang sumpang sa kamatayan ang ating wakas. Binuksan ng kamatayan ni Hesus ang langit para sa tao. Tulad ng pinto, ang kamatayan ang daan natin tungo sa buhay.
Ang buhay ng Kristiyano ay isang patuloy na pagsasanay na "mamatay" para kamtin ang buhay: mamatay sa pagkamakasarili at kasakiman; mamatay sa pagsasawalang-kibo at karuwagan; mamatay sa bisyo upang magbagong buhay.
Anong mga bahagi pa ng ating pagkatao at ng buhay sa lipunan ang kailangang mamatay upang tayo ay makabangon sa pagkabusabos at kahirapan?
*Sabado Santo ng Triduo Pascual |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|