 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Halik' ni Msgr. Noel |
| 07 April 2021 |
| |
|
Trending noon ang teleseryeng 'Halik.' Sigawan ang mga manonood. Madaming naka-relate. Magaling ang sumulat ng script. Tindi ng eksena. Taas ng emosyon.
Ganito ang istorya ng dalawang alagad sa Emaus. Puno ng suspense. Maalab ang emosyon: mula sa pagkalumbay tungo sa pag-aalab ng puso sa pakikinig, hanggang sa kagalakan ng pagpapahayag.
Ayon kay Henri Nouwen, ang karanasang ito ay matatagpuan natin sa Banal na Misa. Ito ay patunay na ang Misa ay hindi lang isang paulit-ulit na seremonyas kundi isang paglalakbay sa buhay. Tinatahak natin ang daan mula sa pagkalumbay tungo sa kagalakan at pasasalamat.
Sa pagkalumbay sa kasalanan, binabasag natin ang pusong bato upang mapasok ng biyaya ng pagsisisi.
Sa ating pakikinig sa Salita, nagkakaroon ng kulay at kahulugan ang ating buhay, maging ang mga trahedya na ating pinagdaraanan.
Sa pagpapahayag ng pananampalataya, inaanyayahan natin si Kristo na pumasok sa ating buhay upang siya ang maghari dito.
Sa pagpipira-piraso ng tinapay, ibinabahagi ni Hesus ang kanyang buhay sa atin. Sa pagbabahaginang ito rin tayo makikilala bilang mga alagad niya. Bagama't naglaho na Siya sa ating paningin ngayon, nanatiling buháy ang kanyang presensya sa gitna ng sambayanang nagdadamayan.
Ang Eukaristiya ang halik ng pagmamahal ng Diyos. Mula sa ating matalik na karanasan kay Hesus, tinatawag niya tayong magpahayag at magpatotoo. Ang Misa ay ating buhay. Ang ating buhay ay isang misyon.
*Miyerkules sa Oktaba ng Pagkabuhay |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|