Sa Isang Salita: 'Shalom' ni Msgr. Noel
11 April 2021
 
'Kaisahan' ang orihinal na kaayusang niloob ng Diyos nang likhain niya ang sangtinakpan. Ito ang kahulugan ng shalom o kapayapaan. Ang tao ay kaisa ng Diyos, kasundo niya ang kanyang kapwa at iginagalang niya ang kalikasan.

Sa isang iglap, nasira ang kaisahang ito sanhi ng kasalanan. Napahiwalay ang tao sa Diyos; nagkaroon ng alitan ang mga tao; sinira at winaldas niya ang kalikasan dahil sa kasakiman.

Kaya nang si Hesus ay bumangon mula sa kamatayan, kapayapaan ang unang pagbati Niya sa mga alagad. Binuwag ng kanyang kamatayan sa Krus ang balakid na naghihiwalay sa lupa at langit. Pinagkasundo niya ang tao sa Diyos at sinira ang mga pader ng pagkakabahagi.

Subalit ang kapayapaan ay hindi lamang kaloob. Ito ay isa ring gampanin. Marapat tayong lumikha ng mga espasyo sa ating lipunan upang danasin ang mga bunga ng kapayapaan.

"Opus justitiae pax," sabi ni Papa San Juan XXIII. Kung nais nating kamtin ang kapayapaan, dapat tayong magtrabaho para sa katarungan. "Peace is the work of justice."

Habang may mga taong niyuyurakan ang dangal, hangga't ang kalikasan ay walang habas na inaabuso at winawasak dahil sa kasakiman, hindi daratal ang kapayapaang ating inaasam.

"If you want peace, work for justice."

*Ikalawang Linggo ng Pagkabuhay

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN