Sa Isang Salita: 'Selfie' ni Msgr. Noel
16 April 2021
 
Mag-ingat ang mga mahilig mag-selfie. Ang "labis na pagkuha ng letrato" ng ating mukha sa mga lente ng ating cellphone ay maaaring isang sintomas ng mas malalim na sakit ng lipunan ngayon. Sabi ni Fr. M. Francisco, it is "symbolic of our present ethos characterized by a disproportionate preoccupation with ourselves."

Mahirap ang nakatuon lang ang pansin sa sarili. Nawawalan tayo ng pakiramdam sa nagaganap sa paligid. Nagiging manhid sa pangangailangan ng kapwa. Mahirap maging alipin ng pagkamakasarili. Nawalan ng puwang ang awa sa ating puso.

Ang Istorya ng Pagpaparami ng Tinapay ay buhay na larawan ng Eukaristiya. Ito'y isang paanyaya sa atin na tularan ang pagkamapagbigay ng Diyos. Ayon sa ebanghelyo: "Kinuha ni Hesus ang tinapay at matapos magpasalamat sa Diyos ay ipinamahagi sa mga tao."

Ang pangunahing bokasyon ng Kristiyano ay maghandog ng buhay para sa kapwa. Ani Papa San Juan Pablo II, "life has meaning to the extent that it is given as a free gift to others."

Basagin nawa ng kapangyarihan ng istorya ng ebanghelyo ang kultura ng 'selfie' sa ating lipunan. Gamitin natin ang 'lente' ng pananampalataya upang mamayani ang diwa ng bahaginan at pagdamay.

*Biyernes sa Ikalawang Linggo ng Pagkabuhay

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN