 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Alon' ni Msgr. Noel |
| 17 April 2021 |
| |
|
Madamdamin ang nilalaman ng isang lumang awit na pansimbahan: "Itong alon sa dagat, tulad ng ating buhay; kung minsan ay tahimik, kung minsan ay magalaw..."
Sa Lumang Tipan, tanging Diyos lamang ang may kapangyarihan sa ibabaw ng tubig. Ang Paglikha ay isinalarawan bilang pananaig ng Diyos sa tubig. Ang pagtawid ng mga Israelita sa dagat na pula ay hudyat ng tagumpay ng Diyos para sa kanyang bayang pinili.
Sa ebanghelyo, isinalaysay na si Hesus ay naglakad sa ibabaw ng tubig. Ito'y isang pambihirang pagpapahayag. Si Hesus ay Diyos. Taglay niya ang kapangyarihang tanging sa Diyos lamang nakalaan.
Sa mga sandali ng hilahil at unos ng buhay, si Hesus ang may kontrol. Siya ay nasa ibabaw ng lahat ng ating mga suliranin. Hindi niya hahayaang tayo'y malunod.
May liwanag sa likod ng dilim. Kung akala natin ay nagtatagumpay na ang kasamaan sa ating lipunan, ang Diyos ang may kontrol ng lahat. Sa kanya ay may katiyakan tayo na ang kabutihan ang magtatagumpay.
Manghawakan tayo sa kanya. Manalig. Kumilos.
*Sabado sa Ikalawang Linggo ng Pagkabuhay |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|