Sa Isang Salita: 'Saksi!' ni Msgr. Noel
18 April 2021
 
May dalawang uri ng istorya ng Pagkabuhay ang matatagpuan sa ebanghelyo: ang una ay ang 'empty tomb stories;' ang ikalawa'y ang 'post-resurrection apparitions.' Itong ikalawa ang matutunghayan natin sa ebanghelyo ngayong Ikatlong Linggo ng Pagkabuhay. May tatlong mahahalagang mensahe ito sa atin.

1. 'See' (Witness): hindi multo ang Kristo na bumalik mula sa mga patay. Pinahawak at ipinahipo nya ang kanyang mga sugat. Kumain siya kasalo ng mga alagad. Buhay si Hesus sa kanilang gitna. Naranasan nila ang kanyang presensya. Kumilos sa kanilang buhay ang kanyang kapangyarihan. Wala silang takot. Puspos na ng pag-asa. Ganito rin dapat tayo: "we must experience Jesus in our life in an intimate way." Ang taong puspos ng pagdanas kay Hesus, pilit na lalabas para magbahagi at magbigay saksi.

2. 'Go' (Mission): Ipinahayag ni Hesus, "Kayo ang mga saksi ko sa bagay na ito." Resurrection means mission. Obligasyon ng mga nakasaksi na magbahagi at magpatotoo. Ang misyon ay ang pag-awas ng ating malalim na karanasan kay Hesus. Bakit dapat magsimula "mula sa Jerusalem?" Sa Jerusalem nakatayo noon ang Templo. Sa kaisipan ng mga Judio, ang lugar na ito ang sentro ng mundo. Ang misyon ay isang palabas na pagkilos (outward movement) ng ebanghelyo mula sa gitna tungo sa lahat ng panig ng mundo. Sa ating panahon, tinatawag tayong dalhin ang mensahe ni Hesus mula sa gitna tungo sa mga gilid at laylayan ng lipunan.

3. 'Grow' (Discipleship). Hindi nababawasan ang sindi ng kandila habang ibinabahagi nito ang kanyang liwanag. Gayun din ang dapat mangyari sa mga nagtatrabaho para sa Diyos. Habang tayo'y nagbabahagi, lalo tayong lumalago sa ating pagkatao at pananampalataya. Totoo ang sinabi ni San Francisco de Asis: "it is in giving that we receive."

*Ikatlong Linggo ng Pagkabuhay (B)

 
 
 
 
 
 
 
Diocese of Lucena dot org                                            All Rights Reserved ©2020
This website is developed and maintained by and for the faithful of the Diocese of Lucena
 
HOME   |   BACK TO TOP    |   LOG IN