 |
| |
| |
| Sa Isang Salita: 'Mababaw' ni Msgr. Noel |
| 19 April 2021 |
| |
|
Ayon sa isang spiritual writer, "the key to real happiness is not to fulfill our desire but to sharpen it." Malimit kaysa hindi, ang tao ay nagnanasa sa mga bagay na hindi angkop sa kanyang dangal. Mababaw ang kaligayahan. Ang totoo, di kayang busugin ng mga bagay na makalupa ang ating puso na nilikha para sa mga makalangit na pagpapala.
Winika ni Hesus sa mga sumusunod sa kanya: Sinasabi ko sa inyo: hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa mga kababalaghang nakita ninyo, kundi dahil sa nakakain kayo ng tinapay at nabusog... Gumawa kayo, hindi upang magkaroon ng pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan."
Mababaw ang pamantayan ng ating mga paghahangad. Nagkukumahog ang marami na magkamal ng pera at kapangyarihan sa pag-aakalang ito ang pupuno sa hungkag nilang buhay. Di kataka-taka na ginagawa ng marami ang lahat ng paraan - kasama na ang pandaraya at pagsisinungaling - makaupo lang sa posisyong inaasam.
Sa mga sandali ng panganib at kamatayan, mababatid nating ang lahat ay mapaparam. Sabi ng isang lumang kawikaan: "Sic transit gloria mundi." Ang karangyaan ng daigdig ang dagling lilipas.
Malalim ang paghahangad na nais ng Diyos. Ipinahayag Niya sa Lumang Tipan: Hindi na ako nalulugod sa mga susunuging handog. Sa halip, ang hinahangad ko ay ang magtrabaho kayo para sa katarungan, pakanin ang mga nagugutom, kalingain ang mga dukha at ulila.
Ang pagtahak sa daan ng katwiran at kabanalan ang pupuno sa malalim na inaasam ng ating puso.
*Lunes sa Ikatlong Linggo ng Pagkabuhay |
|
| |
|
|
|
| |
| |
|
| |
|
| |
|
|